Si Megan at Ikaw: PART ONE


Tandang-tanda ko pa nung una kitang nakita. 2009. Greenbelt 3. Kakatapos ko lang manuod ng Transformers: Revenge of the Fallen. Naririnig ko pa ang mga animo higanteng kulog na pagsabog at ang malalakas na tunog ng mga galit na mga metal. Pilit kong ini-re-replay ang mga climactic scenes sa isip ko. Labanan, lakas sa lakas, bakal sa bakal. Tapos biglang katahimikan, si Megan Fox, lumalakad ng slow motion, lumilipad-lipad ang mahaba nyang buhok na medyo tumatakip ng bahagya ang ilang hibla sa mala-dyosa nyang mukha, humahakbang sya na animo nakikipagsayaw sa hangin ang kanyang hubog na hubog na katawan. Humithit ako ng sigarilyo, pumikit ng bahagya at mumulat, bumuga ng usok,wala na si Megan Fox. Ikaw na ang natanaw ko. Mula sa kinatatayuan ko ay sinipat-sipat kita, may bubog na namamagitan sating dalawa kaya hindi kita masyadong makita. Pero sa unang pagkakita ko pa lang sayo ay isang bagay na ang alam kong sigurado ako. Gusto kita. Type kita. Masaydong mabilis? Oo. Pero minsan lang ako makaramdam ng ganito. Humithit pa ako ng sigarilyo, buga. Hithit. Buga. Buntung-hininga. Ang ganda talaga ni Megan Fox. Tinanaw kita ulit. Gusto kita. Type kita. Pinitik ko ang upos ng sigarilyong hawak ko at pumihit papunta sa pintuang bubog papunta sayo, pero teka, biglang nag-iba ang tanawin. Naroroon ka parin, pero sino itong isang lalake sa harapan mo? Sinisipat-sipat ka na animo nakikipagsayaw sayo? Nabalot ng selos ang buong katawan ko. Bakit ba hindi kita agad nilapitan? Ang tanga-tanga ko. Ayoko pang bumitiw ng maaga, gusto kong magbaka-sakali. Bumunot ako ng isa pang stick ng yosi. Sindi. Hithit. Buga. Buntung-hininga. Hithit. Buga. Buntong-hininga. Mga ilang minuto pa kitang tinanaw. Nakikipagsayaw ka pa rin sa asungot na yan. Pagod ako. Puyat. Pero ayokong bumitaw. Muli kitang tinanaw. Di hamak na mas bagay kayong dalawa. Siguro. Tama na. Ayoko na. Pinitik ko ang kalahating yosi ko pang natitira at nagmamadali akong umalis. Olats! Tanga ko kase eh. Siguro bagay lang sakin tong nangyari. Humakbang na ako papalayo. Isa. Dalawa. Lima. Sampu. Labing anim. Bente dos! Hindi kita maalis sa isip ko, taena! Naglalakad na ako sa walkway palabas ng Greenbelt ng hamunin ako ng isip ko. “Hoy! Kung type mo sya, balikan mo, gago!”. Nagulat ako sa sumunod na nangyare, animo mga galit na gulong ng humahagibis na sasakyan na biglang pumreno ang mga paa ko. Screeeetch! Ang sumunod na eksena, namalayan ko na isang dipa na lang ang layo ko sayo. Pero kapara kanina, may kasayaw ka pa rin. Sa kauna-unahang pagkakataon, naramdaman ko na stalker ako. Gusto kitang picture-ran kaso walang camera ang high-tech phone ko! Pambihira. Hindi ako ganito! Pero wala akong magagawa. Ayokong magsisi at manghinayang sa huli dahil masakit! Naranasan ko na yan sa pag-ibig. Masakit. Sobra. Kaya kakainin ko ang ego ko ngayon-para sayo! Ngayon lang. Naiinip na ako. Tama na. Habang nakikipag-harutan ka sa iba, sinipat kita ng palihim.Pilit kong minemorya sa imahinasyon ko ang hitsura mo, ang mga detalye mo, dahil kung hindi ka mapasakin ngayong gabi, nangangako akong babalikan kita, hahanapin kita. Pangako. At dumating na ang sandaling kinatatakutan ko. Napagod na akong maghintay. Ayoko na. Gago ako? Oo na. Tameme ako? Sige na. Pero buo pa rin ang loob ko.Babalikan kita. Hahanapin kita.Kapag nakita kita, saka ko babawiin ang sinabi mo na  gago ako, na tameme ako. Bahala na.

Nang gabing yun di ka maalis sa isip ko. Habang nakahiga ako sa kama ko at nakatitig sa kisame, biglang nagta-transform sa isang malaking screen ang puturado kong kisame. Andun ka. Kasama kita. Bagay na bagay tayong dalawa! Kung may dalawang kahilingan ako nung gabing yun-alam na alam ko na ang sagot. Una, sana maging akin ka. Pangalawa, sana makita ko si Megan Fox sa personal-yung suot nya yung suot nya dun sa movie. Kahit matanaw lang, yung mahawakan sya eh siguro suntok na sa buwan. Hindi ako daydreamer. At least hindi na.Nakatulog naman ako ng mahimbing. Hindi kita napanaginipan. At lalong hindi si Megan Fox. Siguro dahil pagod ako. Pagod ang katawan. Pagod ang isip.

Lumipas pa ang mga araw. Naging abala ako sa trabaho. Natutuwa ako na natutupad ko ang plano ko na wag muna pumasok sa relasyon dahil sariwa pa sa ugat ng mga puso ko yung mga masasakit na pinag-daanan ko. Ayoko nang mag-emo at magkwento ng pang-Ate Charo. Basta tatlong bagay lang masasabi ko (enumeration na naman ito). Una, masarap magmahal. Pangalawa, mas masarap yung nagmahal ka at mahal mo pa rin pero di naging kayo pero nagawa mo pa ring maging masaya para sa kanya at i-enjoy yung sarili mong buhay kahit wala na sya. Hindi ko alam kung ilang malulutong na mura sa isip, o ilang bote ng alak ang nilaklak ko (hindi naman everyday), o kung ilang pakete ng yosi ang hinithit ko maibuga  ko lang ang isang libong mga “Bakit?” sa isip ko kung bakit naging ganito o ganun ang takbo na sa kalaunan eh nasa mukha ko na pala mismo ang sagot  at minumura na ako matagal na pero ayaw ko lang unawain, hindi dahil sa hindi ko kayang unawain kundi dahil ayoko lang sigurong unawain dahil ewan, basta magulo! Pero heto na ako. Alive and kicking, and kicking harder!  At bago ko makalimutan yung pangatlo-pinakamasarap eh ito-yung mahal mo, mahal ka, at nag-katuluyan kayo. Insert Fireworks here, yung may mga kumu-kuti-kutitap na naghuhugis-puso.

Nung sumunod na Sabado, binalikan kita sa Greenbelt kung san kita nakita. Wala ka na dun. Ipinagtanong-tanong kita pero ang sabi nila sakin, wala ka na raw at di pa nila sure kung kelan ka babalik o kung babalik ka pa. Nakaramdam ako ng malaking panghihinayang. Pero wala akong magagawa.

July. August. Paminsan-minsan hinahanap kita. Sa South. Sa North. Sa Northwest. Pero lagi akong bigo. September.October. November. Halos nakalimutan na kita at nagsimula na akong humanap ng iba dahil tinaggap ko na lang na “we were not meant to be”. Pero wala akong makita na hihigit sayo sa paningin ko.

December. Lumabas kami ng dalawa kong kababatang pinsan at pumunta kami sa Eastwood. Boys night out. Basement Bar. Great DJs. Awesome playlist. Crazy crowd. Wasted pretty chicks in miniskirts.Loud bass. Bounce. Bounce. Pero masyadong masikip! Di namin trip. Di ka maka-yosi. Rave party is good but not that night. Matapos naming maka-tig dadalawang bote ng local beer na ang total cost eh halos isang case na ng San Miguel lights na pwede naming inumin sa tabi ng kalye sa tapat ng bahay, lumabas kami. Hanap ng bagong venue. Nasulyapan namin ang Blue Onions. Lumapit ako sa lady receptionist  medyo tipsy na ako. Kung nasa guestlist daw kami? Sabi ko, wala. So alam na natin ang sagot sa tanong ko. Lipad kami pabalik ng Makati. Malakas ang tugtog ng kanta ni Corey Hart na Never Surrender sa loob ng kotse. Binuksan namin ang bintana at nag-chorus kami sa pagkanta habang mabilis ang takbo sa ibabaw ng Ortigas interchange! Pinayad ng malakas na hangin ang malakas na pagkanta namin. Ilang saksakyan ang bumusina samin na sinagot naman namin ng mas mahabang busina. Matino naman mag-drive ang pinsan ko. Maingay kami oo, pero wala namang road sign na bawal mag-ingay kase hindi naman kami dumaran sa harap ng simbahan. Maliban na lang kung may floating na simbahan sa kahabaan ng Ortigas Interchange na di namin napansin dahil siguro hindi ganun kaliwanag o dahil sobrang bilis ng takbo namin?  Hanggang sa lumagpas kami ng Makati at dalhin ng gulong sa Maynila. Cowboy Grill. Chill lang. Walang dancefloor maliban sa pahabang espasyo sa harapan na may ilang kababaihang nag-be-beelly dancing 🙂 Habang nagkakasiyahan ang mga tao, muli naming binalikan ang masasaya naming araw ng kabataan, mga kalokohan, mga usapang emo na minsan lang naman mangyari. Order kami ng beer at Nachos! Sarap ng Nachos! Nung umuwe kami, ang huling nasa isip ko ay yung Nachos. Mexican Nachos!

Ilang araw bago magpasko.Naisipan kong pumunta ng Supermarket. Gagawa ako ng Nachos! Mexican Nachos na mas masarap pa sa natikman ko sa Cowboy grill. Suportado ako ng google. Oh yeah! Sa malapit na Supermarket ko lang balak pumunta pero sa kalaunan, nagdesisyon ako na pumunta na lang sa Makati Park Square at dumaan sa SM Supermarket bago umuwe. Maghahanap muna ako ng bagong phone-affordable multi-media phone kase umaangal na ang ilang mga kaibigan ko sa Nokia3310i ko na sobrang mahal ko. Ang sabi ng mga kaibigan ko, aanhin ko pa ang sentimental value kung hindi ko naman magamit sa iba ang phone ko maliban sa texting, calling at larong Snake! May punto naman sila. At mahilig ako sa music. Mag-da-download ako ng maraming songs! Hanap ako ng phone.  Ayokong gumastos ng sobra para lang sa telepono. Kuripot ako sa gadgets. Wala akong natipuhang phone. O mas tama siguro na sabihing marami akong nagustuhan pero di ko afford. Derecho na sana ako sa Supermarket sa SM Makati pero ewan kung bakit sa bandang Glorietta ako ipinadpad ng mga paa ko. Nakatayo ako sa harapan ng isang shoe stall sa Glorietta ng biglang mahagip ka ng paningin ko! Lumakas ang tibok ng puso ko. Naalala ko nang unang makita kita sa Greenbelt. Nag-replay sakin lahat. Lahat-lahat kasama si Megan Fox pero mas gusto kita! Kumurap-kurap ako para subukang baka namamalik-mata lang ako pero totoo ka. Nilapitan kita. Ikaw nga! Totoong-totoo.

Published by: Miggy Neutron

I am Miggy Neutron. In my head are more than one hundred billion brain cells just as much as yours. Hidden in some of these cells are my unspoken hopes, dreams, sentiments, fears, curiousity and thousands of few more unnamed ones sleeping in the center of my subconcious mind which I hope to name before I leave this existence- some, if not all. I once wondered how big my head would have swollen up to if every single one of these thoughts are matchboxes-thus born my pen name Miggy Neutron (inspired by Jimmy Neutron). And why not matchboxes? I love watching cartoons and animes as an adult and I don’t feel an ounce of guilt from it because that is my alter universe. I missed Samurai Jack, Dexter’s Lab, the original Powerpuff Girls and the evil heart of Mojo Jojo. I love watching The Amazing World of Gumball too because I think life in Elmore is very interesting. Though I don’t really like cats as much as I adore Gumball Watterson and his mom Nicole. If you want to see my eyes spark, talk to me about the galaxies, outerspace, the stars, the planets, the massive blackholes and anything from the universe to infinity and beyond. Yes, I am a weirdo sometimes but I also step into noisy bars, party like Jay Gatsby enjoy drinks and get more sober with shots of whiskey. You can stand beside me and talk about how some saturated carbon atoms bind with other elements and how it gets a stranger to come to talk to another stranger against the loud bass in the middle of the crowd. And you will not regret that you did. I am a professional Teacher by accident, a Banker by profession, a seasonal skater because I want to surf recklessly sometimes from where I get a little taste of freedom, and by heart, I am a true-blooded Gemini, not to justify my double sided personality. In a nutshell, I am just like you, and just like everybody else-someone who was born trying to live life and hoping to leave a small mark in the end. And of the billion people born and yet to be born, my fingerprint and yours cannot be duplicated, not even by super Science, and by this I would like to tell you that just like me, you are special. You are special in your own ways and that is the reason why you do matter. You do matter a lot inside this small blue dot called Earth.

Categories Uncategorized5 Comments

5 thoughts on “Si Megan at Ikaw: PART ONE”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s